Tags

, , , ,

Tumutugtog sa speakers
and isang bagong kantang Pamasko
nung isang umagang
nakapila ako sa bangko
para ideposit ang halos
buo kong sinuweldo
sa account ng mga pinagkakautangan ko
at nang umabot sa linyang
“…narinig ng langit lahat ng iyong mga dasal…”
hindi ko napigil ang biglang pag-agos ng luha
nagulat ang ibang mga nakapila
at nagmukha akong tanga.

“…narinig ng langit lahat ng iyong mga dasal…”

Sabi ni Rica
naiimagine niya
ang isang taong
maraming hiniling
iba-iba
at nagkatotoo lahat
malaking request man o maliit
nakuha niya
at di siya makapaniwala.

“…narinig ng langit lahat ng iyong mga dasal…”

Sabi ko
naiimagine ko
ang isang taong
isa lang ang hiniling
nang paulit-ulit
sa sobrang habang panahon
hindi na niya alam
kung nakikinig pa ba ang Diyos
o naghihintay na lamang
na pagsawaan niyang gustuhin
ang isang bagay na kailanma’y
hindi mapapasa-kaniya
na ngayong Pasko’y
bigla na lang nagkatotoo
at doon niya lang napagtanto
na wala ni isa man
sa di na niya mabilang na pagkakataon
ng pagsusumamo
ay nasayang
dahil lahat sa kanila’y pinakinggan.

* * *

Kailan mo huling naramdaman
na ang Paskong ito’y
di tulad ng ibang Pasko?

Kailan ka huling naniwala
at umasa
na may mabuting mangyayari
nang walang ibang dahilan
kundi dahil Pasko?

* * *

Ama,
naaantig Ka pa po ba
sa aking mga luha?
Sampung taon ko na pong
ipinagmamakaawa

hindi po ako magsasawa
hanggang buksan Niyo
ang mga pinto ng Langit
at ipadama sa akin
na hindi totoong
walang Nakikinig
.

Advertisements