Tags

, , , ,

Noong siya’y lumalaki
sinabihan kami ni Mommy,
“Alalayan niyo siya at huwag masyadong ipressure;
hindi siya kasing talino niyong dalawa.”

Pero kung anuman ang pagkukulang niya
sa dunong
ay pinupunan niya
sa pagsisikap.
Siya’y masipag sa eskuwela
kaya niyang magpuyat
sa pagmememorya
nang hindi nang-aabala
(pero minsan nung mediyo bata pa siya
ginising niya ako alas dos ng umaga
maluha-luha pa
at nagpapatulong sa leksiyon niya
sa matematika.
Di ko iyon malilimutan;
pakiramdam ko,
ateng-ate talaga ako.)

Pero higit sa lahat
siya po ay tapat Niyong hinirang:
isang dekada nang nanunungkulan
sa Pagsamba ng Kabataan
at di bumitiw kahit kailan.
At ako bilang pangulo ng Dako
di ko matatawaran
ang kaniyang pagmamalasakit
sa mga batang paslit.
Di ko alam kung saan niya natutunan
kung paano maging isang mabuting kuya
gayong bunso namin siya.

Miyembro rin po siya sa koro,
masipag dumalo sa ensayo
tumutupad sa umaga kahit hindi mag-agahan
dumederetso sa kapilya kahit hindi mananghalian.
At kapag suot na niya ang toga
at nakaluklok sa kaniyang puwesto
mukha siyang arkanghel
at naluluha sa tuwa ang Mommy ko.

Ama, maanong
pagtagumpayin Niyo po siya
sa kaniyang mga pangarap
upang magamit pa niya
ang kaniyang lakas
higit po sa lahat
sa pagpupuri at pagsamba,
sa pananatiling kasangkapan
ng Inyong banal na Iglesia
sa pagdulot ng kaluguran
sa Inyong dakilang pangalan.
.

witbros
.
Image by Iris Orpi
Advertisements